Nat’l Govt., patuloy ang koordinasyon sa Zamboanga LGU upang tugunan ang COVID situation doon
By Racquel Bayan - October 13, 2021 , 7:52 pm

Patuloy ang ginagawang koordinasyon ng national government sa Zamboanga City, upang tugunan ang pangangailangan sa lugar sa gitna ng kasalukuyang COVID-19 situation doon.

Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni Zamboanga City COVID-19 Task Force Spokesperson Kenneth Beldua, na nakipag-ugnayan na ang Zamboanga Local Government kay Tracing Czar Mayor Benjamin Magalong, at mayroon nang mga hakbang na ginagawa upang tugunan ang kakulangan ng oxygen supply.

Nitong nakaraang linggo lamang aniya, tinutukan ang pagta-transport ng raw materials ng oxygen mula sa Cebu. Nakipag-ugnayan na rin aniya sila sa iba pang supplier nito, at inaasahan na sa mga susunod na araw ay ma-address na ang kakulangan sa oxygen supply sa Zamboanga City.

Ayon kay Atty. Beldua, isa rin sa mga dahilan kung bakit patuloy na tumataas ang COVID cases sa kanilang lugar ay dahil sa mabagal na usad ng vaccination program.

Nangako na aniya si Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr., na magpapadala ng mas maraming COVID-19 vaccines doon, upang makapagpatuloy ang kanilang bakunahan.

Kaugnay naman sa kanilang problema sa mataas na COVID bed occupancy, ginagawan na nila aniya ito ng paraan sa pamamagitan ng pag-convert ng ilang Department of Health facility, bilang step-up facility para sa mga pasyenteng may moderate symptoms.

Habang inihahanda na rin nila ang nasa 900 kama na ilalagay sa Department of Education schools, bilang isolation facility para sa mga pasyenteng mayroon mild symptoms.

YOU MIGHT ALSO LIKE