NHA: Mga residente ng Marawi, inaasahang makakabalik sa Nobyembre
By Armando Fenequito - August 12, 2019 , 12:39 pm

Inaasahan na makakabalik na ang mga residente sa loob ng ground zero o tinatawag ngayong the most affected area (MAA) sa Marawi City sa Nobyembre, kapag natapos nang malinis ang lugar mula sa mga debris ng mga pampasabog.

Sa panayam kay National Housing Authority (NHA) Marawi Project Management Office Director Rhoderick Ibañez, target nila ang nasabing buwan, para masiguro na hindi na delikado kapag bumalik na sa loob ang mga nakatira sa ground zero.

Sabi ni Ibañez, tinatrabaho na araw at gabi ng mga contractor para mapabilis ito at maabot ang ipinangakong panahon kay Pangulong Rodrigo Duterte, na masimulan ang mga development project bago pa man matapos ang taon.

Paliwanag nito, na kung sila lang ang masusunod nais na nilang papasukin ang mga residente ngayong Setyembre, pero kailangan nila ng clearance mula sa Armed Forces of the Philippines – Explosive Ordinance Division (AFP-EOD), para masiguro na wala ng pampasabog na natira dito.

Sa ngayon, nasa 330 na explosives na ang nakuha mula sa MAA ang na-disposed na ng AFP-EOD.

Habang nasa 52.48 porsiyento na ang completion rate nito sa kanilang clearing activities.

YOU MIGHT ALSO LIKE