Pagpapasuot ng reflectorized vest sa mga naka-motor, ipapatupad ng Davao City
By Sheila Lisondra - August 14, 2019 , 3:32 pm

Plano ngayon ng Pamahalaang Lungsod ng Davao na magpatupad ng batas na mandatong magpapasuot sa mga naka-motorsiklo ng reflectorized vest.

Aprubado na sa unang pagbasa sa konseho ang panukalang batas na isinulat ni Konsehal Jesus Joseph Zozobrado.

Ayon sa konsehal, dahil sa mga aksidente sa daan na kinasasangkutan ng mga naka-motor, napapanahon na umano na magpatupad ng nasabing ordinansa.

Nilinaw ni Zozobrado, na hindi lamang ang mga driver ang magsusuot ng fluorescent o high-visibility clothing na kabilang sa kanilang riding gear, maging ang mga pasahero o angkas na rin nito.

Layon ng panukalang batas na maging visible pa rin ang mga naka-motorsiklo, lalo na sa gabi.

Dagdag ng konsehal, hindi lamang ito para sa kaligtasan ng mga pedestrian, ngunit higit na sa mga motorista.

Ang nasabing panukala ay ipinasa na sa committee on transportation ni Konsehal Conrado Baluran para sa mas malalim na pag-aaral.

YOU MIGHT ALSO LIKE