Sen. Go, nagbigay ng tulong sa 1,000 naapektuhan ng habagat sa Davao City
By Armando Fenequito - August 12, 2019 , 12:49 pm

Nagbigay ng tulong si Senator Bong Go sa nasa 1,000 residente ng pitong barangay sa Davao City na apektado ng paghambalos ng malalaking alon dala ng hanging habagat.

Nitong Sabado (August 10), pinuntahan ng senador ang covered court ng Barangay 21-C, kung saan nagtipon-tipon ang mga apektadong pamilya mula sa pitong barangay.

Namigay ng tulong pinansyal ang senador sa mga biktima, kasama na diyan ang mga food pack at schools supplies para sa mga batang nawalan ng gamit matapos sirain ang kanilang mga kabahayan.

Kasama ni Go sa pamimigay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Trade and Industry (DTI) at National Housing Authority (NHA).

Namigay ng pangkabuhayan ang DTI at housing materials naman ang ibinigay ng NHA sa mga biktima.

Bukod sa mga apektado ng habagat, pinuntahan din nito ang mga nasunugan sa Madapo Hills, kung saan tinulungan naman nito ang nasa 90 mga indibidwal matapos mawalan ng tirahan dahil sa sunog.

Dahil di umano sa mga ganitong mga pangyayari, prayoridad niya ngayon na maisabatas ang paggawa ng Department of Disaster Resilience, kung saan inihain na niya ang Senate Bill No. 205 or the proposed Disaster Resilience Act of 2019.

YOU MIGHT ALSO LIKE