Shrine of the Holy Infant Jesus of Prague, sarado sa publiko sa araw ng kapistahan nito bunsod ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19
By Armando Fenequito | RP1 Davao - January 14, 2021 , 11:48 am

Sarado sa publiko ang Shrine of the Holy Infant Jesus of Prague sa Davao City sa araw ng kapistahan nito sa January 15 matapos kanselahin ng lokal na pamahalaan ang naturang aktibidad nito na misa.

Kinumpirma ni Davao City Police Office Director Police Col. Kirby John Kraft na ang pagsarado ng nasabing shrine ay upang maiwasan ang pagdagsa pa rin ang mga deboto kahit wala nang misa.

Ayon kay Kraft, ang pagkansela ng lahat ng aktibidad ng kapistahan ay bunsod ng rekomendasyon ng mga health advisers ng pamahalaang lokal bunsod ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Sinabi nito na walang papayagan na makapasok kahit pa ang mga taong magtitirik ng kandila sa loob para mag-alay ng dasal.

Maglalagay na umano sila ng personahe sa labas ng shrine at maglalagay ng tarpaulin bilang paalala.

Kamakailan, sinabi ni Kraft na dapat sana’y lilimitahan lang sa 100 ang makakapasok sa loob ng shrine sa bawat misa na idaraos sa araw ng kapistahan.

Ayon sa opisyal na may limang naka-schedule na misa dito na magsisimula ng alas-7 ng umaga, susundan ng alas-9, alas-11 ng tanghali, ala-una at alas-3 ng hapon.

Tumalima rin umano ang pamunuan ng shrine sa desisyon ng lokal na pamahalaan para na rin sa kapakanan ng nakararami.

Taon-taon, dinadagsa ng libo-libong mga deboto ang nasabing Shrine kung saan marami ang lumalahok sa prusisyon at pagpapabendisyon ng iba’t ibang imahe ng Santo Niño.

YOU MIGHT ALSO LIKE