!-- Global site tag (gtag.js) - Google Analytics -->
TF Davao, inirekomendang taasan ang multa sa illegal parking para sa seguridad
By Armando Fenequito - September 11, 2019 , 8:57 am

Inirekomenda ngayon ng Task Force Davao sa pamahalaang lungsod ng Davao na taasan ang multa sa illegal parking ng mga sasakayan na pinaparada sa mga matataong lugar para na rin sa seguridad ng bawat mamamayan ng Davao City.

Ayon sa tagapagsalita ng Task Force Davao na si Major Ronnel Legarde, nais ng kanilang tanggapan na taasan ang multa ng illegal parking sa P2,000 mula P500, para mas madisiplina ang mga driver ng mga sasakyan na huwag pumarada sa mga ipinagbabawal na lugar sa lungsod.

Paliwanag ni Legarde, sa ganitong paraan, mahihirapan ang mga terorista na gamitin ang anumang sasakyan para taniman ng improvised explosive device (IED) para pasabugan ang anumang lugar sa lungsod.

Dagdag ni Legarde, madalas ginagamit ang mga motorsiklo at sasakyan na nakaparada sa mga matataong lugar dahil inaasahan ng mga terorista na marami silang mabibiktima.

Noong Sabado, sumabog ang isang IED na itinanim sa isang motorsiklo na nakaparada sa harapan ng isang bakery sa Isulan Public Market, sa probinsya ng Sultan Kudarat.

YOU MIGHT ALSO LIKE