Alamin at tikman ang mga putaheng tatak Pinoy ngayong Filipino Food Month
By Mary Rose Rocero - April 3, 2020 , 9:00 am

Noong 2018, itinalaga ang buwan ng Abril ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang National Filipino Food Month.

Ilan sa mga ahensyang nangangasiwa dito ay ang hilippine Culinary Heritage Movement (PCHM), National Commission of the Culture and the Arts (NCCA) at ng Department of Agriculture (DA).

Mula sa pananakop ng ilang mga lahi sa ating bansa tulad ng mga Tsino, Kastila at mga Amerikano, kasabay din nito ang pagkilala sa kanilang mga kultura, tradisyon at mga kagamitan.

Isa na riyan ang pagkilala sa kani-kanilang tradisyunal na mga pagkain.

Hindi rin nalalayo ang mga pagkaing Pilipino sa mga inihahain ng ating mga kapitbahay na mga bansa.

Noon ay hindi pa ganun kakilala ang iba’t ibang pampalasa na maaaring magamit mula sa mga halamanan dito sa ating bansa.

Pinakapayak na pagkain sa mga Pilipino ay ang kanin o niluting bigas.

Bantog man sa Luzon ang pagkain ng kanin, nais pa rin ng mga residente noon sa buong isla ang pagkain ng mga pananim na mayroong nakakain na ugat o mga lamang-ugat sa Kabisayaan.

Mula sa pook ng mga Ilokano, Pangasinense, Ifugao, Bontoc, Ibanan at Kalinga, tampok ang paggamit ng salyot sa kanilang mga lutuing gulay bukod sa inihahain na isda at karne ng baboy, manok at baka.

Tampok naman ng mga Ilokano ang paggamit ng bagoong sa kanilang mga inihahaing pagkain tulad na lamang ng pinakbet, dinengdeng, at inabraw.

Sa gitnang kapatagan naman ay nauso ang pagpapalaman ng iba’t ibang sahog sa isang karne tulad ng bawang sibuyas at kamatis.

Ilan sa mga halimbawa nito ay ang relyenong manok, relyenong bangus, morkon, at embutido.

Kung nais niyo namang makatikim ng iba’t ibang pagkain na maasim, matatagpuan ito sa mga lugar sa katimugang katagalugan.

Kadalasang ginagamitan ng suka at maaasim na mga prutas tulad ng kamyas, sampalok, at bayabas ang mga putaheng inihahain dito tulad ng sinigang.

Hayok din sa mga lugar dito ang pagluto sa kaning malagkit tulad ng espasol, suman, hinalo, sinukmani, at bibingka.

Buko, niyog, gata at sili naman ang ipinagmamalaking mga sangkap ng mga Bikolano o ang tawag sa mga nakatira sa Bicol.

Kilala sa probinsyang ito ang mga lutuing laing, ginataang gulay, isda at karne.

Ilan lamang ‘yan napakaraming pagkaing naipakilala ng ibang lahi sa ating bansa na hanggang sa ngayon ay tinatangkilik at niluluto ito ng mga Pilipino.

YOU MIGHT ALSO LIKE