Araw ng Kagitingan; pagpupugay para sa mga frontliners
By Mary Rose Rocero - April 9, 2020 , 8:00 am

Sa bisa ng Executive Order No. 203, idineklara ang ika-siyam na araw ng buwan ng Abril bilang “Araw ng Kagitingan” o “Bataan Day.”

Ginugunita ito upang ipakita ang katapangang ibinigay ng libu-libong sundalong Pilipino na lumaban sa pananakop ng mga Hapon.

Taong 1941 nang lusubin ng tropang sundalo ng mga Hapon ang Pilipinas.

Tila natigil ang normal na pamumuhay ng mga Pilipino nang bombahin ng mga sundalong Hapon ang ilang lugar sa Pilipinas.

Tumagal ang labanan noong Abril taong 1942 at saka sumuko ang komander ng Bataan noong ika-siyam na araw.

Maihahalitulad sa ngayon ang bakbakan na naranasan ng mga Pilipino noon sa pakikipaglaban ng mga Pilipino ngayon.

Ang kaibahan nga lang sa ngayon ay hindi natin nakikita ang ating kalaban na kung saan ay patuloy pa rin ang pagdami ng natatamaan ng sakit na Coronavirus o Covid-19.

Disyembre ng nakaraang taon nang biglang umusbong ang bilang ng mga taong nagpositibo sa naturang sakit, partikular na sa Wuhan, China.

Ayon sa ilang pananaliksik, nag-ugat ito sa pagkain ng mga illegally-traded meat na mula sa China ulad na lamang ng paniki.

Mayroong mga virus na nanggagaling sa pagkain ng mga exotic na mga hayop.

Katulad na lamang ng Severe Acute Respiratory Syndrome o SARS-CoV na sinasabing nagmula sa pagkain ng laman ng civet cats.

Sa pagkain naman ng laman ng camel nagmula ang Middle East Respiratory Syndrome o MERS-CoV.

At ngayon, kumalat naman ang Novel Coronavirus o Covid-19 na nagmula naman sa pagkain ng laman ng paniki.

Mabigat ngayon ang ginagampanan ng ating mga health workers upang sugpuin ang pagkalat ng naturang virus.

Dahil na rin sa kanilang sinumpaang tungkulin, buong oras ay kanilang inilalaan para sa mga pasyenteng tinamaan nito.

At ngayong Araw ng Kagitingan, ating bigyan ng pagpapahalaga ang ating magigiting na mga manggagamot.

Maging ang iba pang mga frontliners na patuloy na nagbibigay ng kanilang serbisyo sa kabila ng pandemic na ating nararanasan.

YOU MIGHT ALSO LIKE