Eid’l Adha, ginugunita ngayong buwan ng Agosto
By Mary Rose Rocero - August 12, 2019 , 10:00 am

Noong nakaraang ika-5 ng Hunyo ay ipinagdiwang ng ating mga kapatid na Muslim ang Eid’l Fitr na isang hudyat ng pagtatapos ng Ramadan o ang isang buwan na pag-aayuno na ginaganap sa kanilang mga Mosque.

At tuwing ika-12 naman ng Agosto ay ipinagdiriwang ang Eid’l Adha na unang araw ng Shawwal o ang ika-10 buwan sa kalendaryo ng Islam at ikalawang pagdiriwang ng mga Muslim na Feast of Sacrifice.

Ito ang paggunita sa kusang pag-aalay ni Abraham o Ibrahim sa kanyang anak na si Ismael na tandan ng kanyang katapatan at pagiging masunurin sa Diyos.

Namagitan si Allah nang masubok ang katapatan ni Ibrahim.

Iniutos kay Ibrahim na isang tupa na lamang ang ialay kapalit ng kanyang anak na si Ismael.

Bahagi na ng kanilang tradisyon ang mga pagdiriwang na ito na kanilang binibigyang-halaga sa loob ng isang taon.

Batay sa Republic Act 9849 na pinagtibay ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, idineklara ito bilang non-working holiday sa Pilipinas.

Ipinagdiriwang ito sa ika-10 araw ng Zhul Hijja.

Ang batayan sa pagdiriwang ng Eid’l Adha ay mula sa Sura 2, Ayad 196 ng Quran, ang Bibliya ng mga Muslim.

Sinisimulan ito pagkatapos ng Haj o paglalakbay ng mga Muslim sa Mecca, Saudi Arabia, Wajib o morning prayer at Khutbah o homily.

Ilan sa kanilang isinasagawa ang pagkatay at pagluluto ng baka, kambing, tupa o kamelyo na ibinibigay sa mga mahihirap bilang aginaldo o regalo.

May ilan din na hinahati sa tatlo ang kanilang inihahanda: para sa pamilya, kamag-anak/kaibigan at kapitbahay at saka ibibigay sa mga nangangailangan ang mga natirang handa.

Natatapos ang pagdiriwang ng Eid’l Adha sa pamamagitan ng Magrid o sunset prayer.

YOU MIGHT ALSO LIKE