National Week of Prayer, inilunsad tuwing ika-apat na linggo ng Marso
By Mary Rose Rocero - March 23, 2020 , 1:00 pm

Sa pagtaas ng bilang ng mga kumpirmadong kaso ng coronavirus disease 2019 o COVID-19, idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ika-apat na linggo ng Marso ngayong taon bilang “National Week of Prayer.”

Hinihikayat ng pamahalaan ang bawat relihiyon na magkaisa upang magdasal para sa bansa kasabay ng nararanasang “pandemic” bunsod ng COVID-19.

Alinsunod sa Proclamation No. 934, inaanyayahan ng Pangulo ang bawat isa na magbigay ng panahon at oras upang magdasal para sa proteksyon ng lahat, lalo na sa mga pasyenteng tinamaan ng naturang sakit.

Hindi rin dapat kaligtaan ang mga tinaguriang “modern day heroes” o ang mga doktor, nurse, pharmacist at, marami pang iba na siyang nakikipaglaban sa naturang sakit.

Kasama rin ang mga magigiting na pulis at sundalo na nagpapanatili ng kaayusan sa ating komunidad.

Nariyan din ang mga nagtatrabaho sa supermarket na siyang namamahala para sa mga pangangailangan natin araw-araw.

Hindi matatawaran ng kahit ano ang sakripisyo na kanilang ibinibigay sa ganitong sitwasyon.

Ilan lamang ‘yan sa mga “frontliners” na ating nasasaksihan sa ating telebisyon at sa realidad na siyang tumutulong sa atin.

Bawat araw ay ating ipanalangin at ipagpasalamat, hindi lamang ng ating kapwa Pilipino, maging sa buong mundo ang pagkakaroon ng bayanihan.

YOU MIGHT ALSO LIKE