Palasyo, nagpahayag ng pagkadismaya sa nangyaring gulo sa laro kagabi ng Gilas Pilipinas at ng koponan ng Australia
July 03, 2018
Isang bagay na dapat ipag-paumanhin ang nangyaring gulo kagabi sa laro na sumiklab sa pagitan ng Gilas Pilipinas at ng koponan ng Australia.
 
Sa press briefing sa Palasyo, sinabi ni Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na bagama’t ganun ang naging reaksiyon ng ating mga manlalaro, nakikisimpatiya din naman aniya sila sa naging sentimiyento ng Gilas team.
 
Hindi aniya maaaring mai-justify ang naging akto ng mga manlalaro sa nangyaring rumble pero malaki sana ang naging papel din sa kabilang banda ng mga referee.
 
Kung nakontrol lang sana ani Roque at naging maganda ang officiating ng laban kagabi, posibleng napigilan at hindi humantong sa gulo ang nangyaring basketball game.
 
Ang magandang gawin na lamang aniya ngayon ay hintayin ang anumang sanction ng FIBA kontra sa mga players na nadawit sa gulo bilang bahagi ng sportsmanship. | ulat ni Alvin Baltazar