Pangulong Duterte: Sports program ng pamahalaan, dapat pang palakasin 
April 29, 2019

Kumbinsido si Pangulong Rodrigo Duterte na isa sa mga pinakamabisang paraan upang mailayo ang maraming Filipino sa iligal na droga ay sa pamamagitan ng sports o palakasan.

Sinabi ng Pangulo, sa gitna ng pakikipaglaban ng pamahalaan sa salot na ipinagbabawal na gamot, sports ang nakikita niyang isa sa mga daan upang mailayo, lalo na ang mga kabataan, sa iligal na droga.

Kaya pagtiyak ng Pangulo, palalakasin pa ang sports program ng gobyerno sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Kasabay nito ay ang paghikayat sa mga magulang na suportahan at hikayatin ang kanilang mga anak para mahilig sa sports, at mapagyaman ang kakayahan sa academics.

Nangako din ang Pangulo, na kanyang ibibigay ang kanyang buong suporta sa ating mga atleta, lalo at nalalapit na ang South East Asian (SEA) Games, kung saan, magiging host ang Pilipinas para sa nasabing sports event. | ulat ni Alvin Baltazar