Philippine Army Dragon Warriors, nakakuha ng 3 ginto sa International Dragon Boat Festival sa South Korea 
October 08, 2018

Ipinaabot ni Philippine Army Commanding General, Lt. Gen. Rolando Joselito Bautista ang kanyang pagbati sa Philippine Army Dragon Boat team sa kanilang pinakahuling tagumpay sa South Korea.

Ito’y matapos na makakuha ng tatlong gintong medalya ang Philippine Army Dragon Warriors sa Ara Waterways International Dragon Boat Festival na ginanap sa Incheon, South Korea simula nitong Sabado.

Panalo ang Philippine Army Team sa lahat ng sinalihan nitong events na 200-Meter Mixed, 500-Meter Mixed, at 2000-Meter Mixed category.

Dito’y nakasagupa ng Philippine Dragon Warriors ang iba pang mga premyadong dragon boat teams mula sa Singapore, Taiwan, Hong Kong, Russia, at South Korea.

Ang Philippine Army Dragon Warriors ay una nang hinirang bilang world champions sa International Dragon Boat Federation (IDBF) World Dragon Boat Championships sa Italy noong 2013 at sa Australia noong 2016.  | ulat ni Leo Sarne 

Photos courtesy: Philippine Army