Potensyal ng mga batang atleta para makapag-uwi ng karangalan sa bansa, dapat palakasin — Pres. Duterte
April 29, 2019

Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanyang bibigyang prayoridad ang pagpapalakas sa kakayahan ng mga batang atleta sa napili nitong larangan na sports.

Sa talumpati ng Punong Ehekutibo sa opening ceremony ng Palarong Pambansa sa Davao City, sinabi nito na kung mai-empower lang ang kapabilidad ng mga batang atleta, tiyak na makapag-uuwi ito ng karangalan sa bansa.

Kabilang na dito ang mga lalahok sa pandaigdigang events, gaya ng Southeast Asian Games, na nakatakdang gawin sa bansa sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 30 ngayong taon.

Kumbinsido rin ang Pangulo na ang sports ang pinakamabisang paraan para maitanim sa kabataan ang maayos na karakter ng tao gaya ng disiplina, teamwork, perseverance at iba pa para sa nation building.

Bukod dito’y pursigido din ang Chief Executive na pangalagaan ang kinabukasan ng susunod na henerasyon, at mailayo sa iligal na droga ang mga kabataan.  | ulat ni Alvin Baltazar