Sa gitna ng namumuong tensyon sa POC, Palasyo, nanawagan ng pagkakaisa para sa 2019 SEA Games
May 29, 2019

Suportado ng Palasyo si Philippine Olympic Committee (POC) President Ricky Vargas at POC Chairman Abraham “Bambol” Tolentino.

Ito ang sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, sa gitna ng namumuong tensyon sa POC, kasunod ng pag-terminate ni Vargas sa appointment ng ilang committee heads nito, kabilang si dating POC President Peping Cojuangco, First Vice President Joey Romasanta, at Robert Bachmann, dahil nawalan na raw ng tiwala at kumpiyansa si Vargas sa mga ito.

Nagresulta naman ito sa pagsusulong ng mga naalis sa pwesto ng agarang general election sa POC.

Ayon kay Panelo, ang Pilipinas ang magsisilbing host para sa ika-30 Southeast Asian Games, kaya’t dapat ay nagkakaisa ang lahat.

Dapat aniya ay sama-samang nagpapakita ng suporta ang lahat para sa mga pambato ng bansa na lalahok sa kompetisyon, habang ipinamamalas ang hospitality ng Pilipinas sa ibang mga bansa.

Gaganapin ang Southeast Asian Games sa November 30 hanggang December 11 na idaraos sa Maynila, Clark, Subic, Batangas, La Union at Tagaytay, at lalahukan ng 11 bansa.

Ito na ang ikaapat na beses na magsisilbing host ang Pilipinas para sa SEA Games.  | ulat ni Raquel Bayan