Warrior at Rockets, tabla sa Game 2 ng NBA Western Conference Finals
May 17, 2018

Kapwa nagtala si James Harden at Eric Gordon ng 27 points para pangunahan ang balanseng atake ng Houston Rockets  kontra Golden State Warriors, 127-105, sa Game 2 ng kanilang NBA Western Conference Finals sa Toyota Center, Texas.

Ang panalo ay nagpwersa ng 1-1 tabla sa kanilang best-of-7 series.

Maagang nagpasiklab ang top seeded Rockets at nagpundar ng double digit na kalamangan na hindi na nagawa pang mahabol ng Warriors.

Playoff career-high 22 points ang iniambag ni P.J. Tucker, habang nagdagdag ng 19 points  si Trevor Ariza para tulungan ang Houston na makabawi sa kanilang Game 1 loss.

Pinamunuan naman ni Kevin Durant ang Golden State sa kanyang 38 points, ngunit naging matamlay sa opensa sina Stephen Curry at Klay Thompson na nagkasya lamang sa pinagsamang 24 points.

Magpapatuloy ang labanang Golden State at Houston sa Lunes, May 21, Manila time sa Oracle Arena na homecourt ng Warriors sa Oakland, California.  | via Ria Arevalo