World Para Dance champion team tampok na performer sa opening ceremony ng Asian Para Games
October 05, 2018

World Para Dance champion team Julius Obero at Rhea Marquez, tampok na performer sa opening ceremony ng Asian Para Games bukas ng gabi sa Gelora Bung Karno Stadium sa Jakarta Indonesia.

Ang wheel-chaired dancer na si Obero at partner na si Marquez ay naimbitahan ng  Italyanong direktor ng Asian Para Opening Rites, matapos makita  sa Youtube ang kanilang  performance sa Pilipinas Got Talent.

Bagamat may iba pang mga international na performer na galling sa Amerika, Brazil, Chile  at Japan, ang pares na Pinoy ang sentro ng palabas.

Sa panayam ng Radyo Pilipinas 2, isiniwalat ng kanilang coach na si Genice Bong Marquez  na maglalabas-pasok sa entablado sina Julius at Rhea, sa katunayan  may apat na ‘ACT’ silang gagampanan, kabilang ang solo ni Julius bago magsalita si Pangulong Joko Widodo ng Indonesia.

Bagamat kapwa kabado ang dalawang Pinoy dancer, proud sila na maging representative ng Pilipinas sa napakalaking palabas.

Ito ang nakapawi sa lungkot ni Julius at Rhea ng hindi mapabilang ang Para Dance sport sa kumpetisyon sa taong ito.

Matatandaan na  silver medalist sila noong taong 2014 Sa Incheon Asian Para Games sa Korea.

Pagkatapos ng opening ceremony, ay didiretso na sila sa airport para naman sa Beigang IPC Para Dance na nakatakda sa araw ng Linggo.

Nakatakda rin silang lumabas sa isang malaking TV show sa CBS sa Amerika sa kalagitnaan ng buwang kasalukuyan. | ulat ni Judith Caringal