1-Pacman Partylist Rep. Michael Romero, nahalal bilang pangulo ng partylist coalition sa Kamara
May 24, 2019

Nahalal ngayon bilang pangulo ng partylist coalition foundation sa Kamara si 1-Pacman Partylist Rep. Michael Romero.

Ang partylist coalition ay binubuo ng may 54 na kongresista na ikalawa sa dami ng bilang ng mga kongresistang miyembro ng PDP Laban.

Ayon kay Romero, itutulak ng grupong partylist sa Kamara ang legislative agenda ni Pangulong Duterte sa nalalabi nitong termino.

Pinasalamatan ni Romero si Pangulong Duterte at ang liderato ng Kamara sa patuloy na pagtitiwala sa 1-Pacman at iba pang grupo ng partylist na may mahalagang papel sa Kongreso.

Pinasalamatan din ng 1-Pacman partylist solon ang mga grupo ng partylist na bumoto sa kanya,  at nagtiwala na maging pangulo ng coalition sa susunod na tatlong taon.

Binanggit din ng bagong halal na pangulo ng coalition na magkakaisa ang grupo para pumili ng isang speaker lamang na itutulak sa speakership race sa Kamara.

Aniya, handa na nilang pakinggan ang mga plano ng mga contenders sa speakership race, na kinabibilangan nina Leyte Rep. Martin Romualdez, Taguig Rep. Allan Peter Cayetano, Davao Rep. Pantaleon Alvarez, Surigao del Norte Rep. Ace Barbers, at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco. | ulat ni Rene Tichangco