Ilang lugar sa Metro Manila, maaapektuhan ng water interruption simula sa Lunes – Manila Water
August 10, 2018

Siyamnapu’t tatlong libong kabahayan at establisyimento sa 43  barangay sa Quezon City, Mandaluyong, San Juan at  Pasig ang makararanas ng water service interruption simula ala-7 ng gabi sa Lunes, ika-13 ng Agosto.

Sa inilabas na advisory ng Manila Water, ito ay para bigyang-daan ang  emergency leak repairs sa EDSA southbound service road sa may kanto ng Shaw Boulevard.

Ayon sa Manila Water, may pipelaying at interconnection operation na gagawin sa nabanggit na lugar bilang paghahanda sa pagsasara at pagsasaayos ng kanilang major pipeline doon.

Ilan sa mga maaapektuhang barangay ay ang Kaunlaran, Bagong Lipunan, Horseshoe, Valencia, Immaculate Conception, San Martin de Porres, Ugong Norte, at Pinagkaisahan sa Quezon City kabilang din ang Brgy. Wack-Wack, Mauway, Addition Hills, Highway Hills, Malamig, Buwayang Bato, Barangka Ilaya, Barangka Itaas, Barangka Ibaba, Barangka Drive, Plainview, Pleasant Hills, at Brgy. Hulo sa  Mandaluyong City.

Sa San Juan City naman, kabilang sa maaapektuhan ang mga barangay ng Greenhills, Addition Hills, Little Baguio, Pasadena, Corazon de Jesus at West Crame.

Sa Pasig City ang mga barangay na apektado ay ang Ugong, Oranbo, Pineda, Bagong Ilog, Kapitolyo at San Antonio.

Tatagal ang pagkawala ng suplay ng tubig sa mga nasabing barangay hanggang sa araw ng Martes, alas-9 ng umaga ng ika-14 ng Agosto. | ulat ni Rey Ferrer