Inilunsad kamakailan lamang ang ‘Murang Sakay Program’ ng lokal na pamahalaan ng Marawi kung saan nilalayon nitong maghatid serbisyo sa publiko sa pamamagitan nang mas murang halaga ng pamasahe.
Pinangunahan ni Marawi Mayor Majul Gandamra ang nasabing aktibidad at binigyang-diin na ito ay tugon na rin sa pangangailangan ng publiko na makarating sa mga malalayong barangays na hindi gaano naaabot ng pampublikong sasakyan o kung may tricycle naman daw ay mataas ang singil.
Ang 23 PUJs ay inaasahang aabot hanggang Brgy. Dulay Proper kung saan mayroong shelters o village ng mga internally displaced person.
May ruta rin ito papuntang public market ng Marawi at GMA terminal kung saan naroon ang mga terminal papunta sa iba’t ibang bayan sa Lanao del Sur.
Ayon pa kay Mayor Gandamra, inaasahang dagdag kita ito sa mga market vendors ng public market dahil mas magiging accessible na sa mga mamimili ang makapunta sa market.
Ang nasabing programa ay pinangungunahan ng Marawi Employees’ Cooperative na nagnanais makatulong sa publiko lalo na sa mga mag-aaral, persons with special needs, at mga matatanda. | via Johaniah Yusoph | RP1 Marawi