Kapwa itinanggi ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na may banta sa buhay ni Representative Arnulfo Teves.
Sa pulong balitaan ng Joint Task Force Degamo sa Camp Aguinaldo kahapon, parehong sinabi ni PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr. at AFP Chief of Staff General Andres Centino na wala silang na-monitor na banta sa buhay ng mambabatas.
Ang pahayag ng dalawang opisyal ay kaugnay ng pagdadahilan ni Representative Teves na nag-aalala siya sa kanyang seguridad kaya ayaw niya munang umuwi ng bansa.
Sa kanyang panig, sinabi naman ni Department of National Defense (DND) Officer-in-Charge, Sr. Undersecretary Carlito Galvez Jr. na handa ang militar na pagkalooban ng seguridad si Rep. Teves, alinsunod sa utos ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Una na ring tiniyak ni Gen. Azurin, na maging ang PNP ay magbibigay ng proteksyon kay Teves at sa kanyang pamilya kung kakailanganin. | ulat ni Leo Sarne