Pinangunahan ni DENR Sec. Antonia Loyzaga ang isang press conference ngayong umaga sa Naujan, Oriental Mindoro kaugnay ng insidente ng oil spill sa karagatang sakop ng Oriental Mindoro.
Sa nasabing pulong ay iprinisenta ng mga kasapi ng Naujan Incident Command ang mga inisyal na gawain at assessment na ginawa at mga aksyong ilalatag upang alamin ang pinsala at solusyunan ang magiging epekto nito.
Pangunahing concern ay ang mapigil ang patuloy na pagkalat ng oil spill. Sa inisyal na ulat ng Naujan Incident Command na natanggap ng kalihim ay kinumpirmang kumalat o umabot na ang oil spill mula sa Naujan hanggang sa mga bayan ng Pola, Pinamalayan, Gloria at Bongabong. Kumakalat umano ito sa gawing southern part ng Oriental Mindoro.
Patuloy na sinisiyasat ang lawak ng pinsala partikular sa marine resources sa pamamagitan ng BFAR at Phil. Coast Guard, kaalinsabay nito ang ginagawang coastal clean-up ng DENR.
Sa kanyang pagtungo sa Naujan ngayong umaga, personal na ipinaabot ni Sec. Loyzaga ang suporta ng DENR sa mga pagsisikap ng ginagawa ng lokal na pamahalaan.
Matatandaan Feb. 28, lumubog ang MT Princess Empress sa bahagi ng karagatan ng Oriental Mindoro. Nagmula ito sa Bataan at tumatahak sa rutang patungo sa Iloilo, lulan ang 20 crew members. Nagsimula itong lumubog nang mag overheat ang makina nito bandang alas 2:00 ng madaling araw sa nabanggit na petsa.
Sa kabutihang palad, nailigtas naman lahat ang mga sakay nito ng nakakitang foreign vessel na MV Efes. | ulat ni Leonie Alguire | RP1 Lucena
Photos: PIA Oriental Mindoro/PCG