Kinumpirma ni Cavite Representative Elpidio Barzaga na nagsumite na ng paliwanag ang panig ng tinaguriang ‘Sibuyas Queen’ na si Leah Cruz.
Batay aniya sa ipinadalang sulat ni Cruz, nagtungo ito sa bangko sa Cabanatuan.
Matagal na rin aniyang naka schedule ang biyahe nito.
Kung matatandaan sa pagpapatuloy ng motu proprio hearing ng Kamara kaugnay sa manipulasyon ng suplay at presyo ng sibuyas noong Lunes ay hindi dumalo si Cruz.
Dahil dito binigyan ni Barzaga ng 24 oras si Cruz para magpaliwanag.
“Ang explanation niya, nakalagay sa sulat, kinakailangan pumunta siya sa bangko sa Cabanatuan sapagkat mayroon siyang inaayos at matagal nang naka schedule iyon. Lilinawin lang namin sa Martes.” pagbabahagi ni Barzaga
Posible namang pagpaliwanagin din ang abogado ni Cruz, dahil sa ang unang idinahilan nito sa hindi pagsipot ng kliyente sa pagdinig noong February 27 ay pumunta ito sa probinsya para kausapin ang ilang magsasaka.
Tiyak naman si Barzaga na dadalo na si Cruz sa susunod na pagdinig ng Committee on Agriculture, na itinakda sa susunod na Martes, March 7.
Dahil kung hindi ay tuluyan na talagang ipapa-contempt si Cruz at posible pang ipaaresto.”Siguradong a-attend sya sa Tuesday, otherwise ico-contempt na namin siya and we will order for her arrest.” diin ng mambabatas. | ulat ni Kathleen Forbes