Ibibigay ng Armed Forces of the Philippines Visayas Command (AFP-VISCOM) ang kanilang buong suporta sa Philippine National Police (PNP) sa pag-stabilisa ng peace and order situation sa Negros Oriental.
Ayon kay AFP-VISCOM Commander Lieutenant General Benedict M. Arevalo, ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa AFP, sa Command Conference kasunod ng pagbisita ng Pangulo sa burol ni Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Sinabi ni Lt. Gen. Arevalo, na nag-deploy na sila ng mga sundalo para tulungan ang PNP sa pagtugis sa mga suspek sa pamamaslang sa Gobernador at walong iba pa.
Sa katunayan aniya ay kasama ng PNP ang mga tropa ng 11th Infantry Battalion sa paghuli ng unang tatlong suspek at pagrekober ng mga armas na ginamit sa krimen.
Dagdag ni Arevalo, nakikipag-coordinate ang AFP sa PNP sa mga checkpoint at iba pang security operations para masiguro na hindi na maulit ang kahalintulad na insidente. | ulat ni Leo Sarne