Binigyang diin ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda na hindi na kailangang ideklara pa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang priority bill ang isang panukalang batas para makausad ito sa Kongreso.
Partikular na aniya ang Freedom of Information (FOI) Bill na mahalaga sa paglaban sa fake news.
Ayon kay Legarda, hindi dapat nakasalalay ang mga mambabatas sa Malakanyang at dapat na gumawa sila ng sarili nilang mga prayoridad.
Aniya, alam dapat ng mga mambabatas ang pangangailangan ng taumbayan at hindi na dapat silang sabihan ng sinuman ng kung anong gagawin.
Una nang sinabi ni Senate Committee on Public Information and Mass Media Chairman Senador Robin Padilla na nais niya sanang masertipikahan munang urgent bill ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr ang FOI bill para masigurong uusad sa Kongreso ang naturang panukala. | ulat ni Nimfa Asuncion