Naninindigan si Senate President Juan Miguel Zubiri na dapat taasan ang sweldo ng lahat ng mga manggagawa sa buong bansa sa pamamagitan ng pagpapasa ng isang legislated wage hike.
Ito ay matapos lumabas ang resulta ng survey na isinagawa ng Pulse Asia nitong June 19 to 23, na nagpapakitang 44 percent ng mga Pilipino ang nagsasabing ang pagpapataas ng sweldo ang pangalawa sa mga urgent na isyu sa bansa na dapat tugunan.
Nangunang most urgent national concern para sa mga sinurvey ang pagkontrol sa inflation, na nakakuha ng 63 percent.
Habang 97 percent rin sa mga tinanong ang nagsabing pabor sila sa panukalang dagdagan ng P150 ang arawang sweldo ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Ayon kay Zubiri, gagamitin niya ang resulta ng survey na ito para kumbinsihin ang mga kapwa niya senador na suportahan ang panukala niyang legislated wage hike.
Sa ngayon ay pinag-aaralan na ng senate president kung paano ipapatupad ang legislated wage hike na ito, sakaling maaprubahan at maisabatas.
Ibinahagi rin ng senate leader, na nakausap na niya ang ilang mga negosyante kaugnay ng naturang panukala at sang-ayon naman aniya ang mga ito, dahil nakikita rin nila ang pagdami ng mga Pilipinong umaalis ng Pilipinas para magtrabaho sa ibang bansa.
Tiwala si Zubiri, na sa patuloy na paglago ng ekonomiya ng Pilipinas ay makakaya ng mga negosyante ang pagbibigay ng dagdag na sweldo para sa kanilang mga empleyado. | ulat ni Nimfa Asuncion