Sa nalalapit na pagdiriwang ng 38th Kadayawan sa Davao, muling pinaalalahanan ng lokal na pamahalaan ang publiko sa dapat at hindi dapat gawin o dalhin sa panonood ng mga aktibidad ng Kadayawan.
Puspusan ang paalala ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Davao na bawal ang pagpanigarilyo sa pampublikong lugar, pag inum ng alak, pagdala ng backpack at malalaking bag, armas at matutulis na bagay at paggamit ng laser light.
Nakiusap din ang lokal na pamahalaan na iwasan ang pagdala ng sanggol o mga bata, bomb joke at pagtapon ng basura sa daan habang kinakailangan ding tanggalin ang jacket at sunglasses sa sinumang dadaan sa inspection area.
Samantala pinaalalahanan din ang publiko na gumamit ng sombrero o pamaypay, magdala ng kendi o biskwit, inuming tubig na nakalagay sa transparent tumbler at extra tshirt.
Layon nitong masiguro ang kaligtasan at seguridad ng mga manonood ng mga aktibidad ng 2023 Kadayawan celebration kung saan highlight sa pagdiriwang ang Indak Indak sa Kadalanan ngayong August 19 habang ang Pamulak Kasayawan o floral float parade ngayong August 20, 2023. | ulat ni Macel Dasalla | RP1 Davao