Nakahanda ang Lungsod ng Taguig para sa pagdaraos ng Brigada Eskwela at pagbubukas ng klase sa 14 na EMBO public schools na nailipat mula sa DepEd Division of Makati patungong DepEd Division of Taguig-Pateros matapos ang naging desisyon ng Korte Suprema na pumapabor sa Taguig hinggil sa territorial dispute ng dalawang lungsod.
Nagpulong na rin ang mga opisyal ng Lungsod ng Taguig, kasama ang Division Superintendent ng DepEd Taguig-Pateros at ang mga punong guro mula sa mga EMBO schools upang pagplanuhan at i-synchronize ang kanilang mga gagawing paghahanda.
Sa nasabing pagpupulong, nangako ang bawat isa na magtutulungan at matuto sa best practices ng bawat isa na mapapakinabangan ng mga mag-aaral, magulang, kaguruan, at mga personnel.
Malilipat sa pamamahala ng DepEd Taguig-Pateros ang mga sumusunod na paaralan:
– Makati Science High School
– Comembo Elementary School
– Rizal Elementary School
– Pembo Elementary School
– Benigno “Ninoy” S. Aquino High School
– Tibagan High School
– Fort Bonifacio Elementary School
– Fort Bonifacio High School
– Pitogo Elementary School
– Pitogo High School
– Cembo Elementary School
– East Rembo Elementary School
– West Rembo Elementary School; at
– South Cembo Elementary School
Ang nasabing paglilipat ay batay na din sa bisa ng DepEd-NCR Memorandum Order 2023-735 na nilagdaan ni DepEd Regional Director na Wilfredo Cabral noong August 4 kung saan inuutusan ang mga concerned divisions na makipag-ugnayan sa kanilang mga counterpart para maayos na transition at turnover ng pamamahala ng mga natukoy na paaralan at mga personnel
Nitong Hunyo ay binasura ng Korte Suprema ang omnibus motion ng Makati na maghain ng ikalawang motion for reconsideration hinggil sa territorial dispute nito sa Taguig City, kung saan sinabi ng Korte na prohibited pleading ang ikalawang motion for reconsideration ng Makati.
Noong Setyembre ng nakaraang taon nang ibasura rin ng Korte ang una nitong Motion for Reconsideration na inihain ng Makati na kumukwestyon sa naging desisyon ng korte noong 2021 na nagdedeklara na nasa ilalim ng hurisdiksyon ng Taguig ang Fort Bonifacio Military Reservation, at ang sampung EMBO Barangays. | ulat ni Gab Villegas