Pinawalang bisa ng Kataas-taasang Hukuman ang pagiging Kongresista ni Romeo Jalosjos Jr. ng 1st District ng Zamboanga del Norte.
Sa desisyon ng En Banc, pinaburan ng mga mahistrado ang petisyon ng isang Roberto Uy Jr. na ipawalang saysay ang pagiging kongresista ni Jalosjos.
Sina Uy, Jalosjos at isang Federico Jalosjos ay magkakalaban bilang Kinatawan ng 1st District ng Zamboanga del Norte noong nakaraang 2022 election.
Pero naghain ng petisyon sa Comelec si Cong. Romeo Jalosjos Jr. para ideklarang ‘nuisance candidate; si Federico Jalosjos Jr.
Si Uy ay nakakuha ng 69,591 votes habang 69,109 votes si Romeo Jalosjos Jr. at 5,424 votes si Federico Jalosjos.
May 12, 2022, naglabas ng desisyon ang Comelec kung saan idineklarang ‘nuisance candidate’ si Federico Jalosjos kung kayat ang boto nito ay napunta kay Romeo Jalosjos Jr. na naging dahilan para siya ang nanalong kinatawan ng unang distrito ng Zamboanga del Norte.
Agad nagtungo sa Supreme Court si Roberto Uy para kwestyunin ang desisyon ng Comelec na ideklarang nuisance candidate si Federico Jalosjos.
Matapos ang mahabang proseso, nagdesisyon ang Korte Suprema na hindi nuisance candidate si Federico Jalosjos kung kayat naging valid ang mga nakuhang boto nito.
Dahil dito, idineklara ng SC si Roberto Uy bilang tunay na nagwagi sa nakalipas na halalan at nararapat lamang na siya ang umupo bilang Kinatawan ng 1st District ng Zamboanga del Norte. | ulat ni Michael Rogas