Naglunsad ang United States Agency for International Development (USAID) ng 283 milyong pisong proyekto na susuporta sa Department of Education (DepEd) sa pagpapahusay ng kalidad ng edukasyon sa bansa.
Ang limang taong proyekto na pinamagatang “Improving Learning Outcomes for the Philippines” o “ILO-Ph” ay tutulong sa DepEd sa pag-disenyo, pagpapatupad, at pag-evaluate ng lahat ng mga programang pang-edukasyon mula “early childhood education” hanggang “workforce development”.
Ito’y sa pamamagitan ng on-demand technical assistance, regular na konsultasyon, at pagsasanay sa pagpapahusay ng strategic communications at data analysis systems, na pinagkakaloob ng ILO-Ph sa DepEd.
Sinabi ni USAID Philippines Deputy Education Director Yvette Malcioln na ang proyekto ay bahagi ng commitment ng pamahalaan ng Estados Unidos na makipagtulungan sa “local partners” na gawing “accessible” sa lahat ang “quality education”, bilang “friend, partner, and ally”.
Sinabi naman ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa kanyang mensahe na binasa ni DepEd Assistant Secretary G.H. Ambat na ang proyekto ay malaking tulong sa pagsulong ng “MATATAG: Bansang Makabata, Batang Makabansa” agenda ng DepEd. | ulat ni Leo Sarne
📷: US Embassy