Tatlong rehiyon na lang sa bansa ang hindi pa nagpapatupad ng taas sahod sa mga manggagawa.
Sa budget deliberation ng Senado para sa panukalang 2024 budget ng Department of Labor and Employment (DOLE), tinanong ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang estado ng mga petisyon para sa taas-sweldo na nakabinbin sa mga regional wage boards.
Sinabi naman ni Senadora Loren Legarda, na siyang nagdedepensa sa 2024 budget ng DOLE, na sa ngayon ay tatlong rehiyon na lang ang may pending wage hike petition.
Kabilang sa mga rehiyong ito ay ang CARAGA, Region 10 at Region 11.
Ipinunto naman ni Zubiri na pare-pareho lang na tumataas ang presyo ng mga pagkain at iba pang bilihin sa Luzon, Visayas at Mindanao kaya kailangang kumilos na ang mga wage board at tugunan ang hiling sa taas-sweldo ng mga manggagawa.
Muli ring isinulong ng Senate president ang panukala niyang P150 legislated wage increase sa buong Pilipinas. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion