Tinuturing na “milestone” ni Bacolod City Mayor Albee Benitez ang nakatakdang pagpasok ng distribution utility na Negros Electric and Power Corporation (NEPC) sa buong lalawigan ng Negros na hindi lamang magbibigay-daan para magkaroon ng maasahan at murang kuryente ang mga residente at mga negosyo bagkus nakatuon din para mapangangalagaan ang kalikasan dahil sa paggamit ng renewable energy sources.
Ayon kay Benitez kanila nang inaasahan ang positibong pagbabago na ihahatid ng NEPC sa Bacolod City.
Ani Benitez, wala syang nakikitang sagabal sa paglipat ng prangkisa ng CENECO sa NEPC lalo at suportado ito ng mga residente, mga negosyante , local government units at iba’t ibang sector kabilang ang mga non-governmental organizations.
Ang Bacolod City ay isa sa mga lugar sa Negros na nakakaranas ng palagiang brownout at isa sa may mataas na power rates sa bansa dala ng matatas na fuel cost at palyadong distribution system, inirereklamo din ang mahinang customer service.
Isa din ang Bacolod sa mga major economic hub sa bansa subalit dahil sa mataas na singil sa kuryente ay nagiging hadlang ito sa pagpasok ng mga investment at bagong negosyo, giit ni Benitez, sa pagkakaraoon ng maayos na power supply ay inaasahan na makatutulong ito sa paglago ng ekonomiya ng siyudad.
Ang House Bill 9310 na nagsusulong na mabigyan ng prangkisa ang NEPC para maging power distributor sa siyudad ng Bacolod, Bago, Silay at Talisay, gayundin sa munisipalidad ng Murcia at Don Salvador Benedicto ay kasalukuyang dinidinig ng House Committee on Legislative Franchises na pinamumunuan ni Paranaque Rep. Gus Tambunting.
Hinihintay na lamang ng komite ang isusumiteng mga dokumento ng NEPC, CENECO, Energy Regulatory Commission(ERC) at National Electrification Administration (NEA) at inaasahang maaprubahan na ang panukala sa committee level, pagkaraan nito ay isasalang na sa deliberasyon sa plenaryo.
Umaasa si Benitez na bago matapos ang taon ay maaprubahan na ng Kongreso ang prangkisa upang masimulan na agad ang rehabilitasyon sa buong distribution system ng CENECO.
Una nang sinabi ni Primelectric Holdings Inc. President Roel Castro na nasa P2.1 billion investment sa capital expenditures ang kanilang ilalagak sa NEPC.
Sa oras na maaprubahan ang legislative franchise ay kasunod na hihingi ang NEPC ng Certificate Public Safety Convenience and Necessity (CPSCN) mula sa Energy Regulatory Commission (ERC), bago ang pagtake-over nito sa CENECO. | ulat ni Lorenz Tanjoco