Naghain si Senadora Risa Hontiveros ng isang resolusyon na layong imbestigahan ang ‘di umano’y human trafficking at sexual abuse sa religious group na Kingdom of Jesus Christ na pinamumunuan ni Pastor Apollo Quibuloy.
Sa inihaing Senate Resolution 884 ni Hontiveros, hinihiling sa nararapat na kumite ng Senado na magsagawa ng Senate inquiry in aid of legislation patungkol sa napapaulat umanong mga kaso ng large scale human traffcking, rape, sexual abuse at karahasan sa loob ng grupo ni Quibuloy.
Nakasaad sa resolusyon ang mga alegasyon na si Quibuloy, na itinuturing ang sarili na appointed son of God at leader ng kingdom of Jesus Christ, ay nag-uutos ng mahigpit na pagsunod mula sa kanyang mga full-time followers sa pamamagitan ng brainwashing, psychological manipulation, at walang tigil na banta sa mga miyembro na mapapahamak at mapupunta sa impyerno.
Bukod dito, mayroon rin aniyang mga kababaihan relihiyon ni Quiboloy na tinatawag nilang mga “pastorals” na may espesyal na posisyon sa organisasyon dahil ang mga ito ang gumagawa ng kanyang mga personal na hiling at utos.
Sa mga pastorals umanong ito nangyayari ang mga sekswal na pang-aabuso at may mga kababaihan pa na kahit menor de edad ay nare-recruit dito.
Lantad din umano ang exploitation ang mga miyembro lalo na ang mga kabataan dahil inaatasan ang mga ito na manlimos at mag-solicit ng pera sa mga tao at kapag hindi nakaabot sa kanilang quota ay nahaharap naman ang mga ito sa matinding parusa at pamamahiya. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion