Ikinalugod ng Department of Migrant Workers (DMW) ang desisyon ng International Bargaining Forum (IBF) na palawakin ang sakop ng “high risk areas” hanggang sa kabuuan ng Gulf of Aden.
Ayon kay DMW Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac, batay sa inilabas na joint declaration ng IBF, International Transport Workers Federation, at Joint Negotiating Group of Employers noong February 16, binigyang diin nito ang kaligtasan ng mga seafarer na sakay ng mga barkong dumadaan sa Red Sea at Gulf of Aden.
Ani Cacdac, ito ay mahalagang hakbang upang maisulong ang mahigpit na seguridad para maprotektahan ang mga marinong Pilipino, at ang lahat ng sakay ng mga barkong dumadaan sa nasabing high risk areas.
Sa ilalim ng pinalawak na high risk areas, kabilang na ang buong katimugang bahagi ng Red Sea at ang buong Gulf of Aden sa baybayin ng Yemen sa Arabian Peninsula.
Ibig sabihin ang mga marinong Pilipino na sakay ng mga barkong dadaan sa mga nabanggit na lugar ay may karapatan na tumanggi at maaaring umuwi, at sasagutin ng kumpanya ang lahat ng gastos at sahod na katumbas ng dalawang buwan, mayroon ding bonus, at iba pang benepisyo.
Muling tiniyak ng DMW, na patuloy nitong isusulong ang proteksyon ng mga marinong Pilipino at hinikayat ang mga employer nito na sumunod sa pinalawak na high risk areas gaya ng pagpapatupad ng rerouting at pagdaragdang ng security personnel sa kanilang mga barko. | ulat ni Diane Lear