Arestado ang illegal recruiter sa ikinasang joint entrapment operation ng mga tauhan ng Department of Migrant Workers Migrant Workers Protection Bureau (DMW-MWPB) at Mandaluyong City Police.
Kinilala ang suspek na si Marjorie Almarez y Diaz, 33 taong gulang at residente ng Novaliches, Quezon City.
Inaresto ang suspek sa aktong tinatanggap ang “boodle money” mula sa complainant na pinangakuan niya ng trabaho bilang fruit picker sa Japan, na may sahod na P77,000 kada buwan.
Ang modus na ito ay ipinagbigay alam agad ng complainant sa DMW MWPB, matapos makumpirma na ang pangalang ibinigay sa kanya ng suspek ay hindi lisensyado ng DMW para mag-alok ng trabaho sa ibang bansa.
Batay sa reklamo, nangako ang suspek na papaalisin siya papuntang Japan kung magbabayad ito ng halagang P13,500 bilang downpayment para sa “marketer’s fee” at “processing fee” ng kanyang certificate of employment at iba pang dokumento.
Kasalukuyang nakakulong sa CIDG detention facility sa Camp Crame ang suspek at nahaharap sa kasong illegal recruitment at estafa. Tiniyak ni DMW OIC Hans Leo Cacdac, na tututukan nila ang kaso at bibigyan ng libreng tulong legal ang mga biktima.
Nananawagan naman ang DMW sa iba pang naging biktima ni Almarez, na makipag-ugnayan sa opisina ng DMW-MWPB. Maaari ding mag-message ang mga biktima sa Facebook page ng DMW-MWPB upang makapagsampa ng kaso. | ulat ni Diane Lear