Ibinabala ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang posibilidad na magkaroon ng negatibong epekto sa ekonomiya ang isinusulong na ₱100 dagdag suweldo sa mga manggagawa.
Sa isang online forum kahapon, sinabi ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan na hindi pa ito napapanahon lalo’t hindi pa ganap na nakababawi ang ekonomiya ng bansa.
Dahil dito, sinabi ng NEDA chief na magkakaroon ito ng negatibong epekto hindi lamang sa Gross Domestic Product (GDP), maging sa antas ng inflation, gayundin ay magreresulta sa pagtaas ng unemployment rate.
Batay sa pagtaya, posibleng bumaba ng 0.5 percent ang GDP ng bansa habang posible namang tumaas sa 0.2 hanggang 0.7 percent ang unemployment rate o katumbas ng 100,000 hanggang 340,000 Pilipino ang mawawalan ng trabaho.
Pinangangambahan din ani Balisacan na magmahal ang presyo ng mga bilihin at serbisyo o ang inflation sa 0.2 hanggang 0.8 percent kaya’t posibleng mawalan ng saysay kung itutuloy ang umento sa suweldo.
Paglilinaw ni Balisacan, hindi naman sila tutol sa dagdag suweldo dahil sa katunayan ay may ginagawa na silang mga hakbang para mapabuti ito.
Subalit kailangan lamang magkasundo ang pamahalaan at ang iba’t ibang sektor na sangkot sa usapin upang makapaglikha ng patas na solusyon na walang malalagay sa kompromiso at lahat ay makikinabang. | ulat ni Jaymark Dagala