Hindi na sasapat pa ang paglikha ng batas para makahikayat ng mga foreign investment sa Pilipinas.
Ito ang binigyang diin ni Congressional Policy and Budget Research Department Chief Deputy Secretary General Jun Miral sa isang pulong balitaan.
Ayon sa “think tank” ng Kamara, hindi na uuubra ang legislative efforts para sa pagpapapasok ng foreign direct investment dahil mismong ang 1987 Constitution ang ugat ng problema.
Inihalimbawa nito ang amyenda sa Public Service Act, na ang layunin ay alisin ang 60-40 rule sa foreign ownership restriction sa halos lahat ng public service companies.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin aniya ito maipatupad dahil sa kawalan ng implementing rules and regulations, maliban pa sa inihaing petisyon sa Korte Suprema na kumukuwestyon sa constitutionality nito.
Dagdag pa ni Miral, mayroong mga bansa sa ASEAN na may mas mahigpit na restriction gayunman ito ay wala sa kanilang konstitusyon bagkus ay sa pamamagitan ng mga batas. | ulat ni Kathleen Forbes