Nangangamba ngayon ang mga residente ng Barangay Addition Hills sa Mandaluyong City.
Ito’y dahil bukod sa papalapit na tag-init, unti-unti nang nararamdaman ang epekto ng El Niño at dumagdag pa sa kanilang alalahanin ang mga tumatagas na tubo ng tubig sa kanilang komunidad.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, tumambad ang sala-salabat na koneksyon ng tubo kung saan, may patak-patak na tagas ng tubig partikular na sa coupling pipe.
Anila, hindi kasi maayos ang pagkakakabit ng mga ito dahilan para magkaroon ng tagas kaya’t nanghihinayang sila sa dami ng tubig na nasasayang.
Maliban sa koneksyon, may ilang tubo rin ang natatapakan o di kaya’y nagugulungan na nagiging sanhi ng pagtagas ng tubig mula sa mga tubo. | ulat ni Jaymark Dagala
