Isinusulong muli ni Senator Imee Marcos ang pagbuwag na sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS DBM).
Sa naging pagdinig ng Senado sa panukalang pag-amyenda sa Government Procurement Act, sinabi ni Sen. Imee, na nagiging parking area lang kasi ng mga pondo ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno ang naturang tanggapan.
Pinunto ng senador, na ang PS-DBM ay binuo noong administrasyon ng kanyang ama para makatipid sa pagbili ng maramihang common-use supplies sa mas murang halaga.
Gayunpaman, hindi na aniya natutupad ang tunay na layunin ng opisina at naging ugat na din ito ng katiwalian.
Hindi na rin kailangan ngayon ang PS-DBM, dahil mayroon nang small items procurement sa lahat ng ahensya ng gobyerno at maging sa mga lokal na pamahalaan.
May mga supplier na rin aniya sa iba’t ibang bahagi ng bansa, at hindi na rin applicable ang dahilan na mas makakatipid sa bulk order dahil mayroon nang mga produkto sa online at iba pang serbisyo. | ulat ni Nimfa Asuncion