Hawak na ngayon ng Philippine National Police – Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) ang pitong pulis na wanted sa kasong pagpatay sa dalawang hinihinalang miyembro ng Communist Terrorist Group sa Barangay Puray, Rodriguez sa Rizal noong 2010.
Ito’y kasunod na rin ng inilabas na Warrant of Arrest ng San Mateo, Rizal Regional Trial Court Branch 174 laban sa pitong pulis na pawang mga miyembro ng Special Action Force (SAF) dahil sa dalawang patong na kasong murder.
Pero paglilinaw ni PNP Public Information Office Chief, Police Colonel Jean Fajardo, tatlo sa mga wanted na pulis ang sumuko, habang apat naman sa mga ito ang mapayapang sumama matapos na pagsilbihan ng warrant ng mga tauhan ng PNP IMEG.
Una nang kinilala ni IMEG Director, Police Brigadier General Warren de Leon ang mga sangkot na pulis na sina P/Capt. Justin Dumaguing Anogue, P/Capt. Orlando Rosales Jr., P/Capt. Guilbert Asuncion, P/CMSgt. Joseph Chumawar Jr., P/CMSgt. Israel Culangan Lucob, P/MSgt. Dante Baloran na pawang mga aktibong pulis.
Gayundin si P/SSgt. Quill Carame Bay-an na kasalukuyang Absent Without Official Leave (AWOL) at pawang mga tauhan ng Rapid Deployment Battalion ng SAF.
Magugunitang kinasuhan ng Commission on Human Rights (CHR) ang pitong nabanggit na pulis dahil sa anito’y hindi tamang pagkakasa ng operasyon laban sa dalawang hinihinalang miyembro ng komunistang grupo.
Pero sa isang pahayag, iginiit ni De Leon na tumupad lamang sa tungkulin ang pitong pulis subalit kaya hindi nakadadalo sa pagdinig ng korte ay dahil sa wala naman silang natatanggap na subpoena na siyang dahilan kung bakit sila ipinaaresto.
Paliwanag naman ni Fajardo, ang pag-aresto sa mga sangkot na pulis ay bahagi ng proseso na kailangan nilang sundin bagaman handa naman silang magbigay ng tulong ligal sa mga ito dahil sa pagganap nila sa tungkulin bilang alagad ng batas. | ulat ni Jaymark Dagala