Pinasalamatan ni Presidential Adviser for Peace Reconciliation and Unity Secretary Carlito Galvez Jr. ang Senado sa kanilang pagsuporta sa Amnesty Proclamation ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa mga dating rebelde.
Ayon kay Sec. Galvez, sa suporta ng Senado ay kumpiyansa siya na malapit nang makamit ang kolektibong layunin ng pamahalaan na ipatupad ang naturang programa.
Si Senador Jinggoy Ejercito Estrada, chairperson ng Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation, ang nag-sponsor ng apat na hakbang sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso na nagkakaloob ng amnestiya sa mga miyembro ng iba’t ibang rebeldeng grupo.
Nagboluntaryo naman si Senate Deputy Minority Leader Senador Risa Hontiveros na i-co-sponsor ang naturang mga hakbang.
Matatandaang una na ring inaprubahan ng House of Representatives ang apat na House Concurrent Resolutions noong December 15 ng nakaraang taon, na sumusuporta sa Proclamation Nos. 403, 404, 405, at 404 ng Pangulo na nagkakaloob ng amnestiya sa Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade (RPMP-RPA-ABB), Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front (CPP-NPA-NDF), Moro Islamic Liberation Front (MILF), at Moro National Liberation Front (MNLF). | ulat ni Leo Sarne