Iginiit ni Senate Subcommittee on Constitutional Amendments Chairperson Senador Sonny Angara na sa Oktubre pa maaaring matapos ng Senado ang mga pagdinig tungkol sa panukalang pag-amyenda sa economic provision ng Saliganag Batas o ang Resolution of Both Houses no. 6.
Sinabi ito ng senador matapos ipahayag ng ilang mambabatas na tatapusin ng Kamara ang mga pagdinig para sa panukalang economic chacha bago ang Holy Week break ng Kongreso sa Marso.
Binigyang diin ni Angara, na sakto ang target nilang October deadline, para maisabay na rin ang plebesito para sa panukalang economic chacha sa 2025 midterm elections.
Sa ganitong paraan ay magiging mas matipid ang proseso para sa national government.
Ilang mga senador na ang nagpahayag ng malamig na pagtanggap sa isinulong na bersyon ng Kamara na economic chacha (Resolution of Both Houses no. 7), dahil naksaad dito na magkasamang boboto ang dalawang kapulungan ng kongreso sa pag-apruba ng mga amyenda sa Saligang Batas.
Una nang iginigiit ng mga senador na dapat hiwalay ang magiging pagboto ng Senado at Kamara. | ulat ni Nimfa Asuncion