Nananatili ang posisyon ng Kamara na economic provisions lang ng 1987 Constitution ang aamyendahan salig na rin sa inaprubahang Resolution of Both Houses No. 7.
Ito ang sinabi ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo nang matanong ng media kung ano ang reaksyon ni Speaker Martin Romualdez at ng House Leadership sa suhestyon ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Larry Gadon na isabay na rin ang political provisions sa charter change.
Ani Tulfo, marami pang problemang kailangang ayusin kaysa pagtuunan ng pansin ang political amendments tulad ng term extension.
Sabi pa niya na nagagalit ang publiko sa mga mambabatas kapag inuuna ang mga personal na interes.
Nakarating na aniya kay Speaker Romualdez ang sulat ni Gadon at inaasahang pupulungin ang House leadership at party leaders upang talakayin ang mga rekomendasyon ni Gadon. | ulat ni Kathleen Jean Forbes