Umarangkada na ang Cash-for-Training ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Eastern Samar, bilang bahagi ng Project LAWA o Local Adaptation to Water Access at BINHI o Breaking Insuffiency through Nutritious Harvest for the Impoverished.
Layon ng Cash-for-Training na maihanda ang mga benepisyaryo sa maayos na pagpapatupad ng proyekto at mapalawak ang kanilang kaalaman sa mga solusyon upang matugunan ang kakulangan sa tubig at pagkain na dulot ng climate change.
Ayon sa DSWD, nasa 1,000 benepisyaryo mula sa mga munisipalidad ng Jipapapad, San Policarpo, Oras, at Dolores ang kabilang sa programa.
Maliban sa training ay dadaan rin sa 15 araw na trabaho ang mga benepisyaryo kung saan sila ay makatatanggap ng halagang katumbas ng daily minimum wage rate sa rehiyon.
Kaugnay nito, target ng DSWD na palawakin pa ang Cash-for-Training nito sa tatlo pang probinsya sa rehiyon, kabilang ang Northern Samar, (Western) Samar, at Southern Leyte sa buong buwan ng Mayo. | ulat ni Merry Ann Bastasa