Aabot sa mahigit 3 milyong (3,349,500) tanim na marijuana ang winasak ng mga awtoridad sa pangunguna ng Philippine National Police – Drug Enforcement Group (PDEG) sa bayan ng Tinglayan, Kalinga sa mahigit 1 linggong operasyon nito.
Ayon kay PDEG Director, PBGen. Eleazar Matta, katuwang nila sa operasyon ang Police Regional Office Cordillera, Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Batay sa ulat ng PDEG, aabot sa 195,100 metro kwadradong taniman ng Marijuana ang kanilang sinalakay na nasasakupan ng mga Brgy. Buscalan at Loccong kung saan nasamsam ang nasa halos isa’t kalahating tonelada ng marijuana plants.
Batay sa pagtaya ng Dangerous Drugs Board (DDB) aabot sa Php 861,900,000.00 o halos 1 bilyong piso ang halaga ng mga winasak na tanim na marijuana subalit walang naaresto sa mga ikinasang operasyon.
Bagaman walang naaresto na tagapag-ingat ng mga taniman ng marijuana, tiniyak naman ni Matta na hindi sila tumitigil sa pagkakasa ng mga pagtugis para panagutin ang mga nasa likod ng malawakang taniman ng ipinagbabawal na halaman. | ulat ni Jaymark Dagala