Naghihintay ng “guidance” mula sa Civil Service Commission (CSC) ang Philippine National Police (PNP) kaugnay ng pagpapatanggal ng mga tatoo ng mga pulis.
Ayon kay PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil, pansamantalang ipinatigil ang naturang hakbang dahil sa posibleng negatibong epekto sa kalusugan ng pagpapatanggal sa mga tatoo.
Kasabay nito, sinabi ng PNP Chief na hindi niya ipinag-utos ang pag-imbentaryo sa mga pulis na may tatoo dahil ayaw niya na magkaroon ng diskriminasyon sa kanilang hanay.
Paliwanag ng PNP chief, wala pa namang polisiya ang PNP tungkol sa mga tatoo kaya isinangguni nila sa CSC ang isyu.
Gayunman, binigyang-diin ng PNP chief na kailangang kagalang-galang ang itsura ng mga pulis para respetuhin ng mamamayan. | ulat ni Leo Sarne