Ikinalungkot ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang pahayag ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma ang tungkol sa panukalang P100 legislated wage hike.
Sa naging pahayag ng kalihim, nagbabala ito na posibleng mawalan ng trabaho ang ilang manggagawa, tumaas ang presyo ng ilang bilihin at magresulta sa pagbaba ng GDP ang panukalang across-the-board wage increase.
Binigyang diin ni Zubiri na ang pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na dapat nang mai-activate agad ang wage board, kahit pa una na silang nag-apruba ng umento sa minimum wage, ay nagpapakita lang na hindi epektibong natugunan ng wage boards ang sitwasyon at pangangailangan ng mga manggagawa.
Pinunto rin ng senate leader na una na nilang nabigyan ng tax breaks at incentives ang business sector sa pamamagitan ng mga naipasang batas kaya ang interes naman ng mga manggagawa ang dapat na tugunan.
Sinabi pa ng senador na si Secretary Laguesma dapat ang nangunguna sa pagsusulong nito. | ulat ni Nimfa Asuncion