Umabot na sa mahigit ₱1.4 milyon ang halaga ng tulong na naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilyang apektado ng pagputok ng Bulkang Kanlaon sa Negros Occidental at Negros Oriental.
Kabilang sa mga naipamigay sa mga apektadong pamilya ay mga family food packs at non-food items tulad ng family kits at sleeping kits.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary at Spokesperson Irene Dumlao, patuloy ang kanilang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga evacuee.
Sa ngayon, nasa 330 pamilya o 1,285 indibidwal ang pansamantalang nanunuluyan sa iba’t ibang evacuation centers sa lalawigan.
Tiniyak naman ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na patuloy ang pagbibigay ng tulong ng ahensya hanggang sa makabalik sa normal ang buhay ng mga apektadong pamilya. | ulat ni Diane Lear