Patuloy pa ring isusulong ng Kongreso ang panukalang amyenda sa Rice Tariffication Law.
Ito ang sinabi ng House leaders sa pulong balitaan kasunod ng ginawang konsultasyon kasama ang rice industry stakeholders.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez kailangan pa ring amyendahan ang RTL bilang pangmatagalang solusyon sa pagpapababa ng bigas.
Ito’y kahit pa inaasahan na bababa ng P29 kada kilo ang presyo ng bigas dahil sa pagpapababa ng rice import tariff sa 15% mula sa 35%
Kasabay nito, siniguro ni House Committee on Agriculture and Food Chair Mark Enverga na hindi maaapektuhan ang Rice Competitiveness Enhancement Fund na siyang pangsuporta sa lokal na mga magsasaka.
Sabi ni Enverga, positibo sila na kahit ibaba ang taripa ay may sapat pa ring koleksyon para sa RCEF.
Katunayan, batay sa datos ng Bureau of Customs, umabot na sa P21 bilyon ang nakolektang taripa sa unang limang buwan ng 2024.
Mas mataas ito sa panukala sa RTL amendment kung saan iniakyat sa P15 bilyon ang RCEF mula sa kasalukuyang P10 bilyon.
At sakali naman aniya na hindi ito maabot ay sasagutin naman ng gobyerno ang kulang. | ulat ni Kathleen Jean Forbes