Hinikayat ni Senate Majority Leader Francis Tolentino ang Department of Foreign Affairs (DFA) na pag-aralan ang posibleng paglabag ng China sa International Humanitarian Law kasunod ng pinakahuling harassment sa Ayungin Shoal.
Ayon kay Tolentino, malinaw sa video footage ng insidente ang pang-aagaw ng food supplies para sa tropa ng pamahalaan.
Iginiit ng senador na bukod sa diplomatic protests ay dapat ring pag-aralan na ng DFA ang mga paglabag sa International Humanitarian Laws ng China.
Pinunto ni Tolentino na kahit pa wala pang direktang conflict o giyera ay maituturing na ring method of warfare ang starvation.
Kasabay nito muling tiniyak ng majority leader ang suporta sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at sa pahayag ni AFP Chief of Staff Romeo Brawner Jr. na payagan ang mga sundalong Pinoy sa Ayungin Shoal na magdala ng mga armas bilang pang-depensa sa kanilang sarili. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion